TAGUIG CITY, Philippines – Sinabi ng Taguig City government na ilang beses nitong sinubukang makuha sa Unified 911 ang eksaktong address ng isang pasyenteng nangangailangan ng emergency medical assistance, ngunit hindi ito agad naibigay.
Sa isang viral social media post, sinabi ng pamilya ng pasyente na umabot sa 10 minuto ang kanilang pagtawag sa 911 bago may sumagot. Ayon sa kanila, pinaghintay sila at nakarinig umano ng tawanan mula sa kabilang linya.
Ayon sa Taguig LGU, ang Unified 911, ang national emergency hotline sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ay hiwalay sa mga direktang emergency hotline ng lungsod.
Sinabi ng LGU na paulit-ulit na nakipag-ugnayan ang Taguig Command Center sa 911 dahil hindi kumpleto ang address na ibinigay para matukoy ang lokasyon ng pasyente.
“Ang address na ibinigay ng 911 sa Taguig Command Center ay lot at block number lamang—walang street address o landmark man ang,” pahayag ng LGU.
“Paulit-uli na sinubukan ng Taguig Command Center na makuha mula sa 911 ang kumpletong address ng pasyente, subalit hindi naibigay ang mga kinakailangang detalye para matukoy ang eksaktong lokasyon ng pasyente.”
Nagpadala ang Taguig responders ng ambulansya sa Barangay Maharlika Hall upang hanapin ang bahay ng pasyente.
Kalaunan, dinala ang pasyente sa Taguig-Pateros District Hospital gamit ang Patient Travel Vehicle (PTV) ng barangay matapos humingi ng tulong ang pamilya. Tumulong din umano ang mga barangay responder.
Sa kabila ng mga isinagawang hakbang, namatay ang pasyente sa ospital. Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamahalaang lungsod sa pamilya. RNT/MDS