Home NATIONWIDE Elon Musk interesado sa Pilipinas; 2 isla pinauunlad — envoy

Elon Musk interesado sa Pilipinas; 2 isla pinauunlad — envoy

1
0

MANILA, Philippines – Interesado umano sa Pilipinas ang billionaire businessman at Tesla at SpaceX chief executive na si Elon Musk, na may isa o dalawang isla raw na kasalukuyang dine-develop sa bansa.

Ito ang inihayag ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez sa panayam ng ANC nitong Huwebes, Nobyembre 19.

Ayon kay Romualdez, madalas umanong bumisita nang tahimik sa Pilipinas si Musk at may impormasyon siyang natanggap tungkol sa ginagawa nitong pagpapaunlad ng mga isla.

“From what I’m told, Elon Musk comes here quietly very often,” ani Romualdez.

Gayunman, hindi tinukoy ng ambassador kung saan matatagpuan ang mga sinasabing isla, kung anong uri ng development ang isinasagawa, o kung may kaugnayan ito sa negosyo ng bilyonaryo.

Kinumpirma rin ni Romualdez na dumating si Musk sa Maynila sakay ng kanyang pribadong eroplano bandang alas-11:30 ng umaga nitong Miyerkules, Nobyembre 18.

Kasama umano ang negosyante sa delegasyon ni US President Donald Trump na bumisita sa Pilipinas bago nagtungo sa Shenzhen, China, para sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit.

Ayon sa ambassador, nasa China na rin si Musk kasama ng US President.

Binigyang-diin ni Romualdez na nagpapakita ang interes ng negosyante sa lumalaking atensyong natatanggap ng Pilipinas mula sa mga international business leader.

Aniya, minsan na niyang nakausap si Musk at nakita niyang malawak ang kaalaman nito tungkol sa Pilipinas.

Kilala si Musk sa kanyang mga negosyo sa electric vehicles, space technology, satellite communications at artificial intelligence.

Gayunman, wala pang inilalabas na opisyal na kumpirmasyon mula kay Musk o sa kanyang mga kumpanya tungkol sa sinasabing island development projects sa Pilipinas.

Hindi pa rin malinaw kung may aktuwal nang pamumuhunan, kasunduan o permit para sa mga naturang proyekto. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here