MANILA, Philippines – Nagpadala na ng Health Emergency Response Team sa mga evacuation centers sa lalawigan ng Albay, Camarines Sur, Matnog Port at iba pang lugar na lubhang apektado ng Severe Tropical Storm Kristine ang Department of Health (DOH).
Ayon kay Secretary Ted Herbosa, nakahandang rumesponde ang tatlong DOH Philippine Emergency Medical Assistance Team (PEMAT) sakaling kailanganin pa ng karagdagang tulong.
Sanay na aniya ang mga idedeploy sa pagsasagawa ng serbisyong medikal sa sakuna tulad ng bagyo at lindol.
Kumpleto rin sa water, sanitation at hygiene facility ang grupo para sa mga mangangailangan na pasyente.
Binubuo ang grupo mula sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium, Jose B. Lingad Memorial General Hospital at Eastern Visayas Medical Center. Jocelyn Tabangcura-Domenden