MANILA, Philippines – Patay ang isang babaeng empleyado matapos itong pagsasaksakin ng magnanakaw sa loob ng isang gadget store sa Cabuyao, Laguna.
Ang biktima ay isang 27-anyos na babae na sinaksak ng isang lalaki na nagnakaw ng 30 cellphone na nagkakahalaga ng P90,000 at P21,000 na cash mula sa tindahan.
Ayon sa pulisya, nagtamo ng saksak sa leeg, balikat at tiyan ang biktima.
Sa kabila ng mga tinamong saksak, nagawa pa ng biktima na masabihan ang kanyang manager tungkol sa insidente.
Matapos ang ilang sandali ay hindi na nakapagsalita ang biktima habang kausap ang manager sa cellphone.
Dinala ang biktima sa ospital ng kanyang mga katrabaho nang matagpuang nakahandusay sa lapag ngunit kalaunan ay nasawi.
Batay sa impormasyon ng pulisya, bubuksan na sana ang tindahan nang pumasok ang suspek.
Bagamat hindi pa nahuhuli ang suspek ay mayroon umanong taong nagmamasid sa lugar bago mangyari ang insidente habang nakuhanan din sa CCTV na siya ay mayroong dalang eco bag habang sakay ng tricycle na posibleng naglalaman ng mga ninakaw na gamit.
Narekober ng pulisya ang tricycle na pagmamay-ari ng kapatid ng suspek.
Sa imbestigasyon, ang suspek ay nasa Cabuyao ng halos isang linggo at sinabihan umano ang kapatid nito na hihiramin ang kanyang tricycle.