SINABI ni Pangulong Bongbong Marcos, ang ieendorso niyang kandidato sa pagkapangulo sa darating na 2028 Presidential elections ay iyong makapagpapatuloy ng kanyang sinimulang “anti-corruption drive”.
Isang taon at siyam na buwan na lang ang nalalabi kay Marcos para manatili sa poder.
Mauubos na ang kanyang oras sa kapangyarihan, ngunit hanggang ngayon ay patuloy siya “minumulto” ng iskandalo sa ghost flood control projects — ang pinakamalaking isyu ng pandarambong sa kaban ng bayan sa kanyang administration.
Hindi siya nahihiya pero ang taumbayan ay hiyang-hiya na dahil ang malalaking isda na sangkot sa anomalyang ito ay patuloy na nakalalaya. Pinag-uusapan ang malaking kurakutang ito maging sa ibang bansa.
Kasi mismong siya at ilang tauhan niya sa ehekutibo ay idinawit. Maliliit na tao lang ang mga naipakulong sa binuo niyang imbestigasyon sa nasabing anomalya. Nauna pang maiselda ang mga walang kinalaman na mga kritiko niya para mapatahimik.
Ito ang tinatawag niyang “anti-corruption drive”. Gipitin ang mga kalaban sa pulitika sa pamamagitan ng paggamit sa kanyang kapangyarihan at makinarya ng pamahalaan, katuwang ang mga kasapakat sa Senado at Kamara.
Sila-silang nagkakaunawaan at nagkakampi-kampihan na mistulang isang malaking sindikato sa pagtatakip sa kani-kanilang kabulastugan.
Ngayon ay sino ang kanyang mamanukin sa darating na halalan?
Baka ‘yung kandidatong magpapatuloy ng kanyang pekeng kampanya laban sa katiwalian. ‘Yung kandidatong inaasahan niyang mananalo upang kapag wala na siya sa poder ay hindi siya hahabulin dahil sa mga nilikhang mga “multo” sa gobyerno.
Hindi naman siguro bobo ang nakararaming Pilipino para suportahan pa ang kanyang “magiging manok” sa nalalapit na eleksyon.
Asa ka pa. O kaya’y magdasal ka na!






