Home NATIONWIDE Epekto ng motor taxis sa mga jeepney at trike sisilipin ng LTFRB

Epekto ng motor taxis sa mga jeepney at trike sisilipin ng LTFRB

MANILA, Philippines – SISILIPIN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang epekto ng mga operasyon ng motorcycle taxi sa mga serbisyo ng pampublikong transportasyon tulad ng mga jeepney at tricycle.

Sinabi ni Atty. Paul Austria, na nagsisilbing secretariat ng Technical Working Group (TWG) na inatasang mangasiwa sa pagtakbo ng pilot motorcycle taxi, na habang may mga transport group na nagrereklamo tungkol dito, kailangan pa ring i-verify ang naturang claim.

“Ito po yung medyo kailangan namin ng additional data. Marami po ang nagsasabi na nawawalan na ng pasahero si ganito, si ganyan. But we have to validate kasi iba pong klaseng mode of transportation ang motorcycle taxi. Unang-una, wala pong ruta ang mga yan and yun pong mga UV, PUV, yan po may mga ruta,” ayon kay Austria.

 

Idinagdag pa ni Austria na ang mga natuklasan ng TWG ay isasama sa pinalawak na pilot study na isusumite nito sa House of Representatives sa Mayo 30. Ang pag-aaral ay magsisilbing gabay para sa mga mambabatas sa paggawa nila ng batas na namamahala sa mga operasyon ng motorcycle taxi sa bansa.

Kabilang sa mga nagrereklamo sa pagpapasakay ng mga motorcycle taxi sa kanilang mga pasahero ay ang Taguig Transport Service Cooperative na nagpapatakbo ng mga modernong jeepney.

Samantala nangangamba ang chairman ng grupo na si Freddie Hernandez na lalala lamang ang sitwasyon kapag nabigyan na ng green light ang mga motorcycle taxi na mag-operate nang pormal at opisyal.

“Napapasok nila ang subdivision, diba? Imbes na sasakay ng tricycle galing muna sa subdivision, sasakay ng jeep, tapos sasakay ng bus. Hindi na ganun ang nangyayari. Sila na lang ang gagamitin hanggang opisina,” ani Hernandez.

“Kaya hindi ako naniniwala sa sinasabing pag pasahero ng motorcycle taxi, hindi namin pasahero, magkakaiba kami. Hindi. Kinuha nila yung pasahero namin,” dagdag pa nito. (Santi Celario)