MANILA, Philippines – Naghain si Senate President Win Gatchalian ng isang resolusyon upang siyasatin ang epekto ng online gaming platforms at paggamit ng social media sa mga bata, kabilang ang papel nito sa pagtaas ng bilang ng karahasan sa paaralan.
Sa paghahain ng Proposed Senate Resolution No. 488, sinabi ni Gatchalian na layunin nito na magrekomenda ng mga polisiya at magsulong ng panukalang batas upang maprotektahan ang batang Pilipino laban sa masamang epekto ng unregulated digital exposure.
Inihain ni Gatchalian ang resolusyon matapos ang sunod-sunod na karahasan sa mga paaralan sa bansa, kabilang ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na kumitil sa buhay ng apat na mag-aaral.
Ayon sa mga ulat ng pulis, labis na na-expose ang mga suspek sa GoreBox, isang graphic violence-simulating online game na kalauna’y pansamantalang ipina-block ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).
Naganap ang isa sa pinakahuling insidente ng karahasan sa Cabaluay National High School sa Zamboanga City, kung saan isang saksakan ang nag-iwan ng hindi bababa sa dalawang mag-aaral na sugatan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education noong nakaraang taon, sinabi ng Department of Education (DepEd) na mayroong 103 insidente ng bullying ang nauwi sa karahasan mula November 24, 2022 hanggang April 7, 2025.
“Hindi natin maaaring balewalain ang epekto ng walang kontrol na digital exposure sa mga kabataan. Panahon nang tiyakin kung sapat ang ating mga polisiya upang maprotektahan sila,” ani Gatchalian. Ernie Reyes