Home NATIONWIDE Erwin Tulfo sa pagbawi ni Guteza sa dating testimonya: Baka nakunsensya!

Erwin Tulfo sa pagbawi ni Guteza sa dating testimonya: Baka nakunsensya!

2
0

MANILA, Philippines – Tinanggap ni Senator Erwin Tulfo, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ang pagbawi ni Orly Guteza sa kanyang dating testimonya.

Ayon kay Tulfo, maaaring nakonsensya si Guteza matapos umano itong magsabi ng mga kasinungalingan sa kanyang unang pagharap sa komite.

“Nu’ng sumalang po ‘yan, puro kasinungalingan ang pinagsasabi niyan. Kung sinu-sino ang pinagtuturo. Kaya siguro baka nakunsensya,” sabi ni Tulfo.

Dagdag niya, dati umanong humarap si Guteza sa komite ngunit bigla itong nawala at mahirap nang makontak.

“Pati ‘yung Guteza na ‘yan, nu’ng unang salang niya pa lang tapos biglang nawala. Kino-contact namin. Tama lang po ‘yan. Kako ako ay nagpapasalamat naman at nahimasmasan sila, nagsabi sila ng totoo,” ani Tulfo.

Si Guteza ay dating surprise witness na nagsabing personal niyang naghatid ng pera sa mga tahanan nina dating kongresistang Zaldy Co at dating House Speaker Martin Romualdez.

Matapos ang kanyang testimonya, hindi na siya nakita sa publiko. Kalaunan, nagsumite siya ng bagong affidavit kung saan sinabi niyang sina Senator Rodante Marcoleta at dating kongresista Mike Defensor umano ang nag-utos sa kanya na gumawa ng mga alegasyon laban kay Romualdez kapalit ng pera at scholarship para sa kanyang mga anak.

Bukod kay Guteza, apat pang dating security aides ni Co ang bumawi sa kanilang mga pahayag na nag-uugnay kay Romualdez at iba pang personalidad sa kontrobersiya sa flood-control projects.

Nang tanungin kung kakasuhan ng perjury si Guteza, sinabi ni Tulfo na ipauubaya na ito sa Office of the Ombudsman.

“Hindi na po kami makikiaalam diyan para mas mabilis po kasi kung mag-iimbestiga pa po ang blue ribbon [committee]… it will take time. Tapos ipapasa namin and may findings kami na guilty, eh gan’un din po,” aniya.

Samantala, ipinaubaya na ni Sen. Tulfo sa Office of the Ombudsman ang lahat ng dokumento sa pagbalikwas ni Guteza sa kanyang paratang sa panahon ni Marcoleta sa naturang komite.

“Ipapasa na lang po namin ‘yun sa Ombudsman. Anything [that] has to do with flood control po na investigation ng Blue Ribbon ibinigay na po namin, ayon kay Tulfo sa ambush interview.

Ayon kay Tulfo, hindi lamang layunin ng blue ribbon na mag-imbestiga in aid of legislation kundi panagutin ang sinumang may sala.

“Kasi kung ang hinahabol naman po natin is accountability… mas quicker po ‘yun ‘pag diretso na po ‘yung Ombudsman, aniya.

Iginiit na na mauubos ang oras ng blue ribbon kung tatalakayin na naman ang pagbalikwas ni Guteza at makakabuting Ombudsman na lamang ang mag-imbestiga dahil mas mabilis pa. RNT/MDS/Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here