MANILA, Philippines – Itinanggi ni dating Bangsamoro parliament member Edrieza Hadji Nasser Rimbang ang pagkakasangkot umano niya sa tangkang pagpupuslit ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng ₱3.5 bilyon mula Laos. Aniya, nadadamay lamang siya dahil tagasuporta siya ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Naglabas ng pahayag si Rimbang matapos siyang tukuyin ni Interior Secretary Jonvic Remulla bilang umano’y financier ng operasyon na kinasasangkutan ng isang private jet na patungong Pilipinas. Ayon sa ulat, may kargang 23 maleta ang eroplano na naglalaman ng 521 kilo ng shabu.
“On the claim that we are involved in what happened in Laos, that is not true,” ani Rimbang sa isang pahayag sa social media.
“I did not commit a crime, I did not do anything that would be bad for our country,” dagdag niya.
Hiniling din ni Rimbang na huwag siyang iugnay sa isyu dahil lamang sa pagsuporta niya kay Duterte. Kinilala niyang itinalaga siya ng dating pangulo noong panahon ng kanyang administrasyon at sinabi niyang utang niya sa pamahalaan at kay Duterte ang kanyang paglilingkod sa mga mamamayan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Rimbang, nanganganib at natatakot na ang kanyang pamilya mula nang lumabas ang mga alegasyon laban sa kanya. Aniya, labis siyang nasasaktan dahil naapektuhan na rin ang pag-aaral ng kanyang mga anak.
“It’s not just the false accusations against me, it’s the impact on my children that hurts the most. They’ve had to stop their schooling, they can no longer attend their classes,” aniya.
“While doing their daily livelihood, they feel ashamed and afraid,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Isagani Nerez sa mga mambabatas na mayroon na silang “solid evidence” na nag-uugnay kay Rimbang sa operasyon. Tinukoy rin niya ang dating opisyal bilang isa sa mga umano’y “masterminds.”
Gayunman, iginiit ni Rimbang na wala pang kasong kriminal na isinampa laban sa kanya.
“There are no cases against me, and I am not a criminal. But, through the harassment that you did to me, you have judged me as if I were a criminal, even though I am not one, which is inhumane,” aniya. RNT/MDS