Home METRO Ex-chief barangay tanod, niratrat patay

Ex-chief barangay tanod, niratrat patay

BACOLOD CITY- PALAISIPAN ngayon sa mga awtoridad ang pamamaril-patay sa ex-chief barangay tanod na kabibitiw lamang nito sa kanyang pwesto noong Biyernes, Mayo 3 sa lungsod na ito.

Kinilalang biktimang si Donnie Bacoli, 38-anyos, at residente ng Sitio Bactulon, Brgy. Camindangan, Sipalay, City, Bacolod.

Batay sa report ng Sipalay Police Station, gabi ng Biyernes ng maganap ang krimen sa labas ng tindahan ng biktima sa Purok Mabinuligon, Barangay Camindangan, Sipalay City.

Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, dumating ang suspek sa tindahan ng biktima at tinawag niya na ito para bumili.

Paglabas ng biktima, dito na siya pinaulanan ng bala ng baril sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan habang mabilis na tumakas ang suspek.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakitaan ng 14 na tama ng bala sa hindi batid na kalibre ng armas ang biktima.

Kwento ng misis ng biktima, iniwan niya ang mister sa kanilang tindahan at ibinilin na magtinda ito dahil mamimili siya ng kanilang panindang isda.

Subalit, laking-gulat na lamang niya nang madatnan ang mister na nakabulagta sa harap ng kanilang tindahan na naliligo sa sariling dugo at wala ng buhay.

Sinabi naman ng misis na wala siyang matandaan na may kaaway ang biktima at maging banta sa buhay nito.

Nagpasya ang kanyang mister na magbitaw sa kanilang barangay bilang chief tanod para tutukan ang kanilang negosyo.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing krimen. Mary Anne Sapico