MANILA, Philippines – Nakalaya na mula sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan nitong Biyernes, Setyembre 4, matapos beripikahin ng mga awtoridad ang release order ng Sandiganbayan.
Bandang alas-10:35 ng umaga nang palayain si Bonoan matapos tiyakin ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) na wala siyang iba pang pending warrant o non-bailable case na hahadlang sa kanyang paglaya.
Nauna nang iniutos ng Sandiganbayan Fifth Division ang pagpapalaya kay Bonoan matapos siyang alisin bilang akusado sa plunder at graft cases kaugnay ng umano’y P573-milyong kickbacks sa flood control projects.
Bago siya tuluyang makalaya, nagsagawa ang CIDG ng verification sa iba pang dibisyon ng Sandiganbayan alinsunod sa kondisyon ng release order na maaari lamang siyang manatili sa kustodiya kung may iba pang legal na dahilan.
Sumailalim din si Bonoan sa medical assessment ng PNP Health Service bago siya ipinagkatiwala sa kanyang pamilya.
Nananatili naman siyang respondent sa hiwalay na graft case sa Sandiganbayan Second Division. Gayunman, nakapagpiyansa na siya ng P90,000 para sa naturang kaso.
Inalis si Bonoan bilang co-accused sa mga kaso sa Fifth Division matapos hilingin ng prosekusyon na gawin siyang government witness sa mga kasong may kaugnayan sa flood control controversy.
Nakatakda rin siyang dumalo sa kanyang arraignment sa hiwalay na graft case sa Sandiganbayan Second Division nitong Biyernes ng hapon. RNT