MANILA, Philippines – Kinasuhan ngayong araw sa Office of the Ombudsman si dating Malabon City Mayor at ngayo’y Congressman Antolin A. Oreta III at ang International Builders Corporation (IBC) dahil umano sa mga paglabag sa Presidential Decree 856 o Code of Sanitation, Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act, at Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ang reklamo ay may kaugnayan sa umano’y mga iregularidad sa proseso ng paghuhukay at paglipat ng mga labi sa Tugatog Public Cemetery, pati na rin ang sinasabing pakikipagsabwatan sa pag-award ng kontrata sa IBC para sa proyekto ng rehabilitasyon ng nasabing sementeryo.
Ayon sa nagreklamong kamag-anak ng isa sa mga nakalibing sa sementeryo, hinukay umano ang mga labi ng kanilang mahal sa buhay nang walang sapat na abiso, kaukulang permit, o tamang proseso ng segregasyon.
Dahil dito, nagresulta umano ito sa pagkakahalo ng mga labi ng iba’t ibang bangkay, dahilan upang hindi na matukoy ang mga labi ng kanilang kaanak.
Dagdag pa ng complainant, ang naturang kontrata na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱397 milyon ay iginawad umano sa IBC kahit umano walang sapat na kwalipikasyon o karanasan sa paggawa ng mga sementeryo o memorial parks, taliwas sa hinihingi ng batas.
Batay sa mga dokumentong kalakip ng reklamo, nakasaad umano na ang IBC ay mas kilala sa mga proyektong may kinalaman sa general contracting at real estate leasing, at hindi sa mga proyektong may kinalaman sa exhume o relocation ng mga labi.
Sa ngayon, nakabinbin pa ang preliminary evaluation ng Ombudsman hinggil sa reklamo upang malaman kung may sapat na basehan para isailalim ito sa pormal na imbestigasyon. RNT