Home HOME BANNER STORY Ex-military comptroller Carlos Garcia, laya na

Ex-military comptroller Carlos Garcia, laya na

MANILA, Philippines- Pinalaya na si dating military comptroller retired Maj. Gen. Carlos Garcia mula sa New Bilibid Prison matapos ang kanyang sintensya.

Tumalima ang Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang sa utos matapos aprubahan ni Justice Secretary Crispin Remulla ang pagpapalaya kay Garcia, na natapos na ang sintensya sa ilalim ng batas na naggagawad ng good conduct time allowance (GCTA) para sa persons deprived of liberty (PDLs).

Sinintensyahan si Garcia ng Sandiganbayan Second Division ng apat hanggang walong taong pagkakakulong para sa direct bribery at apat hanggang anim na taon pa sa pangangasiwa ng money laundering.

Batay sa tala, sinintensyahan si Garcia ng definite prison term na 18 taon at apat na buwan, subalit lampas na ang panahong nailagi sa kulungan sa kanyang maximum sentence.

Orihinal na kinasuhan si Garcia ng plunder at money laundering sa impormasyong inihain ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan noong 2005 at 2009.

Naghain si Garcia ng not guilty plea sa plunder at money laundering subalit sa ilalim ng plea bargaining agreement, naghain siya nga guilty plea sa direct bribery at pangangasiwa ng money laundering.

Sinabi ni Catapang na walang legal grounds para iditine pa si Garcia sa NBP matapos magsilbi ng kanyang maximum sentence. RNT/SA