MANILA, Philippines – TULUYAN nang pinasok ng kilalang dating Philippine Basketball Association (PBA) star player na si Paul “Bong” Alvarez ang mundo ng politika makaraang maghain ito ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) bilang “aspirant councilor” sa ikatlong Distrito sa Lungsod ng Maynila nitong Miyerkules, Oktubre 2.
Kilala si Alvarez sa tawag na “Mr. Excitement” dahil sa bilis at liksi nito sa paglalaro ng basketball noong dekada 90.
Si Alvarez ay nasa partido ng Aksyon Demokratiko kung saan nagsisilbing Presidente nito si dati at magbabalik na Alkalde sa lungsod ng Maynila na si Isko Moreno Domagoso.
Bukod kay Alvarez ay naghain din ng kandidatura si Manila 5th District Councilor Bobby Espiritu para sa kanyang ikalawang termino sa ilalim din ng Aksyon.
Kasama ni Espiritu ang kanyang pamilya gayundin ang kanyang ama na si dating Manila City Administrator Felix Espiritu.







