Home HOME BANNER STORY Ex-pulis isa sa persons of interest sa pagkawala ng beauty queen, Israeli...

Ex-pulis isa sa persons of interest sa pagkawala ng beauty queen, Israeli BF

MANILA, Philippines – Kabilang ang isang dating pulis sa pitong persons of interest sa pagkawala ng beauty pageant contestant at Israeli boyfriend nito sa Central Luzon, ayon sa Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Huwebes, Hulyo 4.

Sa panayam ng DZBB, sinabi ni CIDG chief Police Major General Leo Francisco na makikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa lahat ng persons of interest.

“Pito ang POIs natin kasama na ‘yung dating pulis na naging kausap nitong magkasintahan na nawawala,” ani Francisco.

Aniya, ang dating pulis na nagsilbing middleman para sa magkasintahan na nagpaplanong bumili ng property sa Capas, Tarlac, ay nakikipagtulungan naman sa imbestigasyon.

“‘Yung kanyang katransaksyon naman na ‘yun ay willing na magsalita at nagsasalita. Ang kanyang nilahad sa paunang imbestigasyon siya ay nakipagusap nga sa magkasintahan na ito at naghiwalay na sila pagkatapos nung site visit nila sa lupang bibilhin. Nabalitaan na lang nila na nakita yung abandoned vehicle,” dagdag pa niya.

Ang dating pulis ay nakatalaga sa Angeles City. Wala namang ideya ang pulisya kung bakit umalis sa serbisyo ang naturang pulis.

Tinitingnan ng pulisya ang tatlong matibay na motibo sa likod ng pagkawala ng magkasintahan ngunit hindi naman ito ibinahagi sa publiko.

Matatandaan na huling nakita si Mutya ng Pilipinas Pampanga bet Geneva Lopez, 26, at boyfriend nitong si Yitshak Cohen, 37, noong Hunyo 21 kung saan umalis ang mga ito sa Angeles City, Pampanga at bumiyahe patungong Capas para Tingnan ang ari-arian na kanilang bibilhin.

Kalaunan ay nakita ang kanilang SUV na sunog sa gilid ng kalsada sa Capas.

Natagpuan din ang isa pang sasakyan na may kaugnayan sa kaso sa Tarlac City.

Nagtungo ang pulisya sa address ng registered owner ng sasakyan ngunit apag-alaman na naibenta na ng registered owner ang sasakyan sa ibang tao.

Ani Francisco, walang indikasyon na napatay sina Lopez at Cohen.

“Sa ngayon, wala pa tayong nakikitang indikasyon na sila ay pinatay, namatay, or whatever kasi malabo pa po yung ganung anggulo dahil sa ngayon ay wala po tayong nakikitang body or anything na makakapag-ugnay kung sila ay buhay o patay,” aniya.

Ipinag-utos na ni PNP chief General Rommel Marbil ang paglikha ng special investigation task group (SITG) para imbestigahan ang pagkawala ng dalawa.

Ang SITG ay pangungunahan ng CIDG, at binubuo ng HPG, Anti-Cybercrime Group, Forensic Group, at iba pang unit.

Nag-alok na ang pamilya ni Cohen ng P250,000 reward sa makapagbibigay ng impormasyon sa pagkawala ng dalawa. RNT/JGC