Home NATIONWIDE Ex-SC justice: Environmental damage case isampa vs Tsina

Ex-SC justice: Environmental damage case isampa vs Tsina

MANILA, Philippines – Ngayon ang tamang oras upang magsampa ang Pilipinas ng environmental damage suit laban sa China dahil sa isyu West Philippine Sea (WPS) bago pa maabutan ng 2025 midterm elections.

Ito ang inihayag ni dating Supreme Court (SC) justice Francis Jardeleza sa 111th Commencement Exercises ng Silliman University sa Dumaguete City.

Kumpiyansa si Jardeleza na gagawa ng konkretong hakbang ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para maprotektahan ang teritoryo ng bansa.

Kinakailangan lamang aniyang makumbinsi ang Pangulo na isulong ang pagsasampa ng panibagong kaso laban sa China dahil hindi na sapat ang diplomatic solutions upang matigil ang tumitinding pagkilos ng China sa West Philippine Sea.

Pinuri ni Jardeleza si Marcos sa mga hakbang nito gaya ng paglinang sa mga Americano para sa Mutual Defense Treaty, maging sa mga kaalyadong bansa sa ASEAN at mga European.

Si Jardeleza ay nagsilbi rin na solicitor general mula 2012 hanggang 2014 sa ilalim ni dating Pangulong Benigno Aquino III at namuno sa Philippine legal team na humawak sa South China Sea arbitration.

Hinimok nito ang mga estudyante at faculty members na suportahan ang panawagan na maghain na ang Pilipinas ng environmental damage suit laban sa China dahil sa patuloy nitong pang-uudyok at pambabastos laban sa mga Filipino.

Sinabi ni Jardeleza na maraming researchers at experto sa environment ang Silliman University na makakatulong sa pangangalap ng ebidensya laban sa China.

Sa pagsasampa aniya ng environmental damage suit laban sa China, maaring makakuha ang Pilipinas ng milyon o bilyon piso para makabili ang bansa ng mga kagamitan uoang maprotektahan ang West Philippine Sea. Teresa Tavares