Home NATIONWIDE Ex-VP Robredo kakandidato bilang Naga mayor – Lagman 

Ex-VP Robredo kakandidato bilang Naga mayor – Lagman 

MANILA, Philippines- Inihayag ni Liberal Party (LP) President Albay 1st district Rep. Edcel Lagman na tatakbo si dating vice president Leni Robredo bilang alkalde ng Naga City sa midterm polls sa susunod na taon.

“Ang last namin na pag-uusap siya ay tatakbo mayor ng Naga City upang ipagpatuloy ang programa ng kanyang late husband,” pahayag ni Lagman nitong Huwebes.

Si Robredo, pinuno ng tinatawag na “Kakampinks”, ang biyuda ng pumanaw na si dating Department of Interior and Local Government (DILG) secretary Jesse Robredo. Nanungkulan ang huli bilang alkalde ng Naga.

Ibinahagi ni Lagman ang impormasyon ukol sa kanyang kapartidong si Robredo matapos kunan ng reaksyon ukol sa isang online post, kung saan sinabing dapat italaga ang huli bilang Department of Education (DepEd) secretary. 

Nagbitiw si incumbent Vice President Sara Duterte bilang DepEd secretary noong Miyerkules ng hapon.

Nang tanungin pa kung nangangahulugan itong tatanggapin ni Robredo ang nasabing posisyon sakaling ialok sa kanya, tugon ni Lagman: “Yan ang call ni Leni. Wala kaming kontrol dyan.” 

Pumangalawa si Robredo, dating LP chairperson, kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa May 2022 presidential race. RNT/SA