MANILA, Philippines- Pinanindigan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, araw ng Huwebes, ang posisyon ng administrasyon ukol sa executive privilege kaugnay sa imbestigasyon sa Senado hinggil sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte.
”When we learned about the topics, kasi ‘yung invitation ni Sen. Imee was quite specific about the topics. So, we had a look at this invitation and we determined that there were many probable or likely topics na covered by those matters that could come under ‘yung executive privilege,” ang sinabi ni Bersamin sa mga mamamahayag sa isang ambush interview.
“So it was best to get ahead with a letter to the Senator and the Senate President so that they would be formally informed that in that hearing, our Cabinet secretaries and other executive officers will be not forced to respond to questions concerning these matters. That’s the essence of the letter,” dagdag na wika nito.
Sa ulat, naging palaisipan naman kay Senadora Imee Marcos ang salungat na posisyon nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ni Executive Secretary Lucas Bersamin kaugnay sa desisyon kung padadaluhin o hindi ang mga miyembro ng gabinete sa pagdinig ng Senado ukol sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Duterte.
Winika kasi ni Pangulong Marcos na hindi niya pipigilan ang mga miyembro ng gabinete o mga kalihim kung ipatatawag sila upang dumalo sa imbestigasyon kaugnay sa pagkakaaresto sa dating pangulo.
Subalit kahapon, Abril 2, kinumpirma ni Senadora Imee, base sa liham na ipinadala ng Malakanyang na hindi na dadalo ang mga inimbitahang cabinet members sa pagdinig ngayong Abril 3.
Giit ng presidential sister, kaninong utos daw ba ang susundin gayong hindi nagtutugma ang sinasabi ng Pangulo at ng Executive Secretary.
Dagdag ng senadora, hindi dapat magkaroon ng kalituhan sa pamahalaan pagdating sa usapin ng transparency at accountability.
Para saan pa aniya ang salita ng Pangulo kung hindi naman susundin.
Sa gitna ng isyu, nananatili raw ang tanong kung ang direktiba ba ng Pangulo ang masusunod, o kung may ibang kapangyarihang nagtatakda ng mga hakbang sa loob ng administrasyon.
Gayunman, dumalo man umano o hindi ang cabinet members na kanilang inimbitahan, tuloy ang pagsisiyasat ng kanyang komite.
Una rito, nakapagpalabas na ng komprehensibong findings si Senadora Marcos.
Sinabi ni Imee Marcos na hindi nasunod ang due process sa ginawang pag-aresto kay Duterte at mismong si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang nagsabi na walang kinuhang warrant of arrest sa kahit na saang korte sa bansa. Kris Jose