Home NATIONWIDE Extension ng deadline para sa BARMM polls accreditation suportado ni Garcia

Extension ng deadline para sa BARMM polls accreditation suportado ni Garcia

MANILA, Philippines- Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na sinusuportahan niya ang panukalang pagpapalawig ng deadline para sa akreditasyon ng mga sektoral na organisasyon na gustong lumahok sa kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na parliamentary elections sa susunod na taon.

Ito ay sa gitna ng panawagan ng ilang grupo para sa pagpapalawig ng June 7 deadline.

Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 10987, ang registration at accreditation period para sa sectoral groups ay itinakda lamang mula Mayo 15 hanggang June 7.

Upang makilahok sa halalan, dapat silang magsumite ng sertipikasyon mula sa naaangkop na ministeryo, mga panrehiyong tanggapan, o mga ahensya ng gobyerno ng Bangsamoro.

Sa hiwalay na pahayag na inilabas sa parehong araw, sinabi ng BARMM Grand Coalition (BGC) na sinusuportahan ng grupong Interactive and Sincere Advocates of Peace and Unity Settlers’ Organization (ISAPUSO) ang panawagan nito na palawigin ang deadline para bigyan ng mas mahabang panahon ang mga sektoral na organisasyon.

Nauna na ring naglabas ng pahayag ang BGC na nagtutulak ng extension. Jocelyn Tabangcura-Domenden