Home METRO F2F classes sa Maynila nilimitahan sa gitna ng El Niño

F2F classes sa Maynila nilimitahan sa gitna ng El Niño

MANILA, Philippines- Naglabas ng memorandum ang Schools Division Office (SDO) ng Maynila na nag-uutos sa mga pampublikong paaralan na magsagawa ng klase mula alas-6 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali na magiging epektibo sa Abril 11 (Huwebes) hanggang sa susunod na buwan sa gitna ng nakapapasong init dulot ng El Niño na nararamdaman sa bansa.

Nakasaad sa division memorandum na may petsang Abril 8 at nilagdaan ni SDO Chief education supervisor Nerissa Lomeda na ang lahat ng pampublikong paaralan sa Lungsod ng Maynila ay dapat magpatupad ng adjusted class schedule mula Abril 11 hanggang Mayo 28, 2024.

Ayon kay Lomeda, ang unified implementation scheme ay isang sangay ng mga consultative meeting na ginanap sa iba’t ibang stakeholders sa edukasyon sa lahat ng mga kaugnay na isyu ng Department of Education (DepEd).

Nauna nang sinabi ni DepEd Assistant Secretary Francis Bringas na may awtoridad ang mga regional director at superintendent na ilipat ang mga iskedyul ng klase sa umaga o hapon dahil sa hindi matiis na init sa ilang paaralan.

Aniya, maaaring tanggalin ang outdoor activities sa pagitan ng alas-9:30 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon upang maiwasan ang mga estudyante na magkaroon ng direktang pagkakalantad sa araw.

Sa Maynila, ang mga superbisor ng distrito ng pampublikong paaralan ay nakipag-ugnayan upang magbigay ng technical assistants sa mga paaralan para makabuo ng mga iskedyul ng klase, kabilang ngunit hindi limitado sa pinaghalong modality.

Kinakailangan pa rin umanong mag-ulat sa paaralan ang mga guro, anuman ang ipinatupad na pamamaraan, upang magsagawa ng online na pagtuturo, maghanda ng mga activity sheet, suriin at itala ang output ng mga mag-aaral, subaybayan ang pag-unlad ng mga mag-aaral, o tuparin ang mga gawain sa pagtatapos ng taon.

Binigyan ng DepEd ng awtoridad ang school heads na magdesisyon sa kanilang sarili kung kailangang suspendihin ang face-to-face classes sa kani-kanilang mga paaralan dahil sa mainit na temperatura na pinalala ng El Niño phenomenon.

Ang mga mag-aaral at guro ay maaari ring magsuot ng mas komportableng damit sa mga paaralan, na napapailalim sa mga dress code, sa pagsisikap na malabanan ang init. JAY Reyes