MANILA, Philippines – Suspendido ang face-to-face classes sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa Metro Manila at 15 lalawigan ngayong Biyernes, Setyembre 4, dahil sa patuloy na malakas na ulan dulot ng habagat at epekto ng haze.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 134 ng Malacañang, ipatutupad sa halip ang alternative learning modes at learning continuity measures, maliban kung magpasya ang kani-kanilang local chief executive na tuluyang kanselahin o suspendihin ang klase.
Sakop ng kautusan ang National Capital Region, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Benguet, Zambales, Bataan, Bulacan, Tarlac, Pampanga, Cavite, Laguna, Batangas at Occidental Mindoro.
Ayon sa Malacañang, ipinatupad ang hakbang dahil sa inaasahang patuloy na malakas na pag-ulan na kaugnay ng enhanced Southwest Monsoon o habagat.
Sa NCR, isinasaalang-alang din ang hindi magandang kalidad ng hangin dulot ng haze mula sa matinding forest at peatland fires sa Kalimantan at Sumatra, Indonesia.
Maaari ring magpatupad ang mga local chief executive ng localized cancellation o suspension ng klase sa mga lugar na hindi kasama sa memorandum, depende sa aktuwal na kondisyon sa kanilang nasasakupan.