Home NATIONWIDE ‘Fake identity’ ‘di makaaapekto sa kaso vs Alice Guo – DOJ

‘Fake identity’ ‘di makaaapekto sa kaso vs Alice Guo – DOJ

MANILA, Philippines – Hindi maaapektuhan ng pagkakadiskubre ng eking identity ni Bamban Mayor Alice Guo ang kasong inihain laban sa kanya, ayon sa Department of Justice (DOJ) nitong Sabado, Hunyo 29.

“Nag-file na ng criminal cases against Alice Guo. There’s also been chatter about ‘yung fake identity niya… ‘Di naman ‘yan makakaapekto sa kanyang mga kaso,” sinabi ni DOJ spokesperson and Assistant Secretary Jose Dominic “Mico” Clavano IV sa sidelines ng news forum sa Quezon City.

Ngayong linggo, kinumpirma ni Senador Risa Hontiveros na lumabas sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation na ang Bamban mayor at si Guo Hua Ping ay iisang tao lamang matapos na magtugma ang fingerprints ng mga ito.

“In fact, magkakaroon pa siya ng ibang liability kung mahanap na stolen identity ang ginagamit niya ngayon,” ani Clavano.

Kamakailan ay inilabas ni Hontiveros ang dokumento mula sa NBI na nagpapakita ng larawan ng isa pang babae na ang pangalan din ay Alice Leal Guo.

Samantala, sinabi ni Clavano na si Guo ay hindi na maaaring mapa-deport dahil siya ay nasampahan na ng mga kriminal na kaso dito sa Pilipinas.

“That serves as a hindrance or a bar for the deportation of the suspended mayor,” anang opisyal.

Si Guo ang sentro ng imbestigasyon sa Senado sa kaugnayan nito sa nilusob na POGO hub sa Bamban, Tarlac at hinihinala ring miyembro ng criminal syndicate na pinatatakbo ng mga Chinese national. RNT/JGC