Home NATIONWIDE FB, Shopee inatasan ng BIR na isumplong mga unregistered online seller

FB, Shopee inatasan ng BIR na isumplong mga unregistered online seller

162
0

MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng pamunuan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na posibleng ipasara ang mga online marketplace tulad ng Facebook at Shopee kung ang mga hindi rehistradong online sellers ay makakapagbenta pa rin sa kanilang mga online platform.

Ayon kay BIR Commissioner Romeo D. Lumagui Jr., ang mga online seller na ang mga negosyo ay hindi nakarehistro sa BIR ay hindi dapat payagan ng mga online marketplace.

Aniya, sa oras na makita nila na ang e-marketplace o ang mga nasabing platforms ay pinapayagang magbenta ang mga online sellers na hindi rehistrado ay agad nila itong susulatan para masigurado na tanggalin nila ang mga ito.

“Kapag hindi pa rin nila tanggalin ang lahat ng mga online sellers na hindi registrado, pati sila ay pwedeng ma-shutdown at para mapatigil yung kanilang platform,” ani Lumagui.

Tinutukoy ng BIR ang isang online marketplace bilang isang digital service platform na nagsisilbing intermediary na nagkokonekta sa mga online na mamimili o mamimili sa mga online na nagbebenta o merchant.

Batay sa BIR Revenue Regulation 16-2023, ang mga online marketplace at digital financial services providers (DFSP) ay magbabawas ng isang porsyentong income tax sa kalahati ng kanilang kabuuang remittance sa mga nagbebenta para sa mga produkto at serbisyong ibinebenta sa pamamagitan ng kanilang platform.

Nabatid sa BIR na ang panuntunang ito ay hindi nalalapat sa mga online na nagbebenta na ang taunang kabuuang remittances ay P500,000 o mas mababa sa huling taon na maaaring pagbubuwisan at kung saan ang pinagsama-samang kabuuang remittances ay P500,000 o mas mababa sa isang taon na nabubuwisan.

Kasama rin dito ang mga online sellers na hindi kasama o napapailalim sa mas mababang income tax rate ayon sa anumang umiiral na mga batas o kasunduan.

Nabatid na sinimulan na ng bureau ang pagpapatupad ng withholding tax ng mga online marketplace laban sa mga online sellers noong Hulyo 15, kasunod ng 90-araw na extension.

Samantala, ang mga DFSP ay binigyan ng isa pang 90-araw na transitory period hanggang Oktubre 12 upang ayusin ang sistema nito para sa pagpataw ng withholding tax. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here