MANILA, Philippines – Nag-iimbestiga ang pulisya matapos matagpuan ang isang fetus sa loob ng basurahan ng isang condominium sa Tondo, Manila.
Natagpuan ang fetus sa loob ng eco bag bandang 8 p.m. noong Agosto 9 ng isang housekeeper.
Tinitingnan ng mga imbestigador ang mga residente ng condominium bilang mga posibleng persons of interest, lalo na ang mga nakatira sa Buildings 2 at 4, kung saan matatagpuan ang disposal area.
Ayon sa pulisya, mahirap agad matukoy kung sino ang nagtapon ng fetus dahil sa dami ng residente ng condominium. Wala ring CCTV camera sa lugar kung saan ito natagpuan.
Patuloy na naghahanap ang mga awtoridad ng mga posibleng saksi at iba pang impormasyon upang malaman ang buong pangyayari. Nakikipag-ugnayan din sila sa pamunuan ng condominium tungkol sa mga hakbang sa seguridad sa lugar.
Dinala ang fetus sa isang funeral home.
Patuloy ang imbestigasyon, at sinabi ng pulisya na malalaman ang naaangkop na kaso kapag natukoy na ang responsable at ang mga pangyayari sa insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden