MANILA, Philippines – Itinuturing na person of interest ng Quezon City Police District (QCPD) ang fiancé ng nawawalang bride-to-be sa Quezon City.
Ayon kay Police Major Jennifer Gannaban, si Mark Arjay Reyes, na huling kasama ang kanyang fiancée na si Sherra de Juan, ay isang person of interest ngunit “not necessarily a suspect.”
Paliwanag niya, “[Person of Interest] po siya pero not necessarily na suspect na. Si Mark kasi ang last na kasama, at fiancée kaya naituring na POI.”
Patuloy ang imbestigasyon upang mahanap si De Juan, na nawawala mula Miyerkules matapos sabihin kay Reyes na lalabas siya para bumili ng sapatos para sa kanilang kasal na nakatakda sa Disyembre 14.
“Tuloy-tuloy po ang investigation pa din hanggang sa makakuha po ng lead kung ano talaga ang nangyari kay Ms. Sheera,” ani Gannaban.
Sinusuri rin ng awtoridad ang footage ng isang babaeng pinaniniwalaang si De Juan habang sumasakay sa bus sa Commonwealth Avenue noong Sabado. Wala pang palatandaan ng foul play ang QCPD. Santi Celario