MANILA – May 40 araw na lang bago ang kauna-unahang FIFA Futsal Women’s World Cup, handa na ang Philippine Women’s National Futsal Team o Filipina5 na kumatawan sa Pilipinas.
Naniniwala ang miyembro ng Filipina5 na si Maye Mendaño na lahat ng sistema ay pupunta para sa koponan bago ang pagho-host ng bansa sa kauna-unahang FIFA Futsal Women’s World Cup.
“We’re very prepared po, we train 4 to 5 times a week, so we’re 100 percent ready,” sabi ni Medaño sa FIFA Futsal Women’s World Cup trophy experience sa Ortigas.
“Of course, we’re very excited kasi ito nga ang pinakamahalagang tournament sa futsal,” dagdag nito.
Hindi pa rin maalis-alis ni Filipina5 team captain Dionesa “Inday” Tolentin ang surreal feeling na gaganapin sa bahay ang kauna-unahang FIFA Futsal Women’s World Cup.
“We’re doing our best po na lahat ng training namin ay ma-apply namin sa upcoming games. Nakapaglaro na po kami sa ibang bansa. Yung una po ay sa Uzbekistan, China, and then yung last namin na camp ay sa Japan po,” hirit nito.
Ibinahagi ni Tolentin ang benepisyo ng pagharap sa ilan sa kanilang mga kalaban sa training camp, bago pa man ang aktwal na torneo.
“Malaking tulong po sa amin na makalaban po yung mga nakalaro namin sa camp kasi yun po yung masasabi mo talaga na kaya pala talaga namin mag-compete sa World Cup,” wika nito.
Hinikayat ng Filipina5 co-captain ang mga Pilipinong tagahanga na manood ng mga laro at ipakita ang kanilang suporta sa Nobyembre.
“Huwag niyo po kaming iwan at suportahan niyo po kami sa mga upcoming games namin starting this November 21, at inaasahan namin kayo na suportahan kami,” paghimok ni Tolentin.
Ang Pilipinas ay nasa Group A kasama ang world no. 14 Poland, world no. 31 Morocco at world no. 6 Argentina.
Bilang bahagi ng countdown para sa inaugural tournament, pinayagan na malapitan ng local organizing committee ang FFWWC trophy sa Ortigas.