MANILA, Philippines – Nagbabalik ang Pilipinas sa Le Tour de Langkawi pagkatapos ng mahigit dalawang dekada na pagkawala kung saan anim sa mga grizzled road cyclists sa bansa ang sasagupa sa eight-stage Hors category event na magsisimula sa Linggo sa Langkawi Island sa Malaysia.
Sina Ronald Oranza, Marcelo Felipe, Jan Paul Morales, Junrey Navarra, Joshua Pascual at Jude Gabriel Francisco ang bumubuo sa Philippine National Road Team na tinuturuan nina Ronald Gorantes, Virgilio Espiritu at Mark John Lexer Galedo kasama sina Ric Rodriguez bilang team manager at Roderick Calla bilang mekaniko.
Binigyang-diin ni Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino, pinuno din ng PhilCycling, ang kahalagahan ng Tour de Langkawi bilang isa sa pinakaprestihiyoso at mahirap na multi-stage International Cycling Union (UCI) na karera sa Asya.
Ang national road team na sasabak ay suportado ng Philippine Sports Commission na pinamumunuan ni Richard Bachmann at commissioner-in-charge para sa cycling na si Walter Torres sa suporta ng UCI continental teams Standard Insurance, 7-Eleven Road Bike Philippines at Victoria Sports Pro Cycling Team kung saan lahat ng anim na rider ay miyembro.
Nag-debut ang Pilipinas sa Tour de Langkawi sa ikatlong edisyon nito noong 1998.