Home NATIONWIDE ‘First time in 10 years,’ Hontiveros nag-yes sa 2026 national budget; bicam...

‘First time in 10 years,’ Hontiveros nag-yes sa 2026 national budget; bicam panel buo na

361
0

MANILA, Philippines – Sa unang pagkakataon sa loob ng sampung taon sa Senado, ngayon lamang muling nagpabor si Senador Risa Hontiveros sa Senate version ng 2026 national budget, na itinuturing niyang “kritikal at napapanahon” sa paglalaan ng pondo sa ilang mahahalagang sektor.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na tumaas ang pondo sa mga programa para sa mga estudyante, overseas Filipino workers (OFWs), kababaihan, at kabataan, at ipinangako rin niyang isusulong ang dagdag na pondo sa kalusugan at proteksiyon ng Sierra Madre Mountain Range sa Luzon.

Kasabay nito, inihayag ng Senado ang mga miyembro ng Bicameral Conference Committee na susuri sa magkakaibang bersyon ng badyet, sa pangunguna ni Senador Sherwin Gatchalian bilang chairman ng Senate Committee on Finance.

Ayon kay Hontiveros, matapos bumoto nang pabor sa badyet, lubos siyang natutuwa sa suporta ng Senado sa pagdadagdag ng pondo sa edukasyon, na umaabot sa P1.4 trilyon, na mahigpit na isinulong ni Senador Bam Aquino.

Kabilang din ang karagdagang pondo sa OFW assistance at sa kaligtasan ng kababaihan at kabataan laban sa pang-aabuso, parehong aktuwal at online.

“Nagpapasalamat tayo sa mas malaking pondo sa 2026 budget para sa mga programang kailangan ng napakaraming estudyante, OFWs, kababaihan at kabataan. I am happy that the Senate has not forgotten the needs of our vulnerable kababayans, especially the Filipino youth who represent our collective future,” ani Hontiveros.

Aniya, tumaas ng P3.28 bilyon ang pondo sa free higher education program ng state universities and colleges (SUCs), dahil inaprubahan ng Senado ang P7.35 bilyong pagtaas ng pondo “to allow more young Filipinos to enroll in higher education, amid a serious learning crisis.”

Inaprubahan din ng Senado ang pagtataas ng pondo sa ilang pangunahing pasilidad ng pamahalaan sa kalusugan, tulad ng:

-Liver transplant program sa Philippine General Hospital

-Cochlear implant at brain surgery programs ng Quirino Medical Center

-Medical equipment sa National Center for Geriatric Health – Jose Reyes Memorial Medical Center

-Pagtatayo ng Naujan Community Hospital sa Oriental Mindoro

Pinalawak din ng Senado ang panukalang pagtatayo ng help desk sa Department of Migrant Workers (DMW), pagtataas ng pondo ng National Coordination Center Against Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Child Sexual Abuse or Exploitation Material (NCC-OSAEC CSAEM), at dagdag badyet sa pagpapalakas ng “pre-audit” program ng Commission on Audit laban sa korapsiyon, pati na rin ang special provisions sa PUV Modernization Program ng Department of Transportation (DOTr).

“Tuloy ang pagsusulong natin na madagdagan ang pondo para sa kalusugan at sa proteksyon ng kalikasan, ngayon at sa mga susunod na taon. Lahat ng tutugon sa pinakamalaking pangangailangan ng bansa – lalo na sa kalusugan, edukasyon at kalikasan – ay dapat sapat na pondohan ng pamahalaan,” ani Hontiveros.

Samantala, bukod kay Gatchalian, kabilang sa mga miyembro ng Bicam sina Senador Mark Villar, Pia Cayetano, JV Ejercito, Loren Legarda, Kiko Pangilinan, Erwin Tulfo, at Camille Villar sa majority bloc, at sina Senador Bato Dela Rosa, Bong Go, at Imee Marcos sa minorya. (Ernie Reyes)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here