Home NATIONWIDE Fish ban target ng BFAR sa Bataan oil spill

Fish ban target ng BFAR sa Bataan oil spill

143
0

MANILA, Philippines – Target ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na magdeklara ng fishing ban sa mga lugar na apektado ng oil spill mula sa lumubog na MT Terra Nova sa labas ng Bataan.

Sinabi ng tagapagsalita ng BFAR na si Nazario Briguera na maaaring maapektuhan ang kabuhayan ng libu-libong mangingisda sakaling pansamantalang ipagbawal ang pangingisda dahil sa oil spill.

Kukuha ng fish sample ang BFAR para masuri ang mga ito at para malaman kung magdedeklara nga ng fish ban.

“Doon sa pangingisda, we are yet to coordinate with the local government units sa pagdedeklara ng fishing ban,” aniya sa isang radio interview.

“Sa ngayon kasi, we still have to gather, consolidate all the relevant information. Kami, magsasagawa kami ng sampling sa mga isda. Ang DENR, nagsa-sampling na rin ng tubig,” aniya pa.

Ayon kay Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, posibleng maapektuhan ng oil spill ang Bulacan, Cavite, at Pampanga.

Nitong Sabado, inilarawan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang oil spill na 12 hanggang 14 kilometro ang haba ngunit “manageable” pa rin.

Sinabi ni Briguera na hinihikayat ng BFAR ang mga mangingisda na bantayan ang kanilang paligid upang makita kung kumakalat na ang oil spill sa kanilang lugar.

Sa kabila nito, sinabi ni Briguera na nakahanda ang pamahalaan na tumulong sa mga mangingisda na maaapektuhan ng posibleng pagbabawal sa pangingisda.

Tumaob ang MT Terra Nova at nagdulot ng oil spill sa Bataan nitong Huwebes.

Ang MT Terra Nova, na patungo sa Iloilo, ay may dalang 1.4 milyong litro ng pang-industriya na gasolina nang tumaob ito sa layong 3.6 nautical miles sa silangan ng Lamao Point sa bayan ng Limay sa Bataan.

Ayon sa PCG, 16 sa 17 tripulante ang nailigtas, habang isang crewman ang natagpuang patay. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here