MANILA, Philippines – Maaari nang umupa ng pribadong lupain ang mga foreign investors sa Pilipinas.
Ito’y matapos tintahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act (RA) 12252, inamiyandahan ang Investors’ Lease Act (RA 7652), pinapayagan ang mga foreign investors na umupa ng pribadong lupain sa Pilipinas ng hanggang 99 taon.
Sa nakaraan, pinapayagan lamang ng batas ang long-term leases para sa ‘maximum’ na 50 taon, renewable naman ito ng isang beses para sa karagdagang 25 taon.
Sa ilalim ng RA 12252, nilagdaan noong Sept. 3, maaaring magpataw ang Pangulo ng mas maikling lease period para sa mga investors na nauugnay sa vital services o industriya na itinuturing na critical infrastructure, sa interes ng national security o national development.
Kailangan ng batas na mayroong tangan o hawak ang foreign investors ng approved investment at sumusunod sa regulasyon na itinakda ng angkop na investment promotion agency.
“Withdrawal of the approved and registered investment in the Philippines within the period of the lease contract entered into under this Act, or use of the leased area for the purpose other than that authorized, shall warrant the ipso facto termination of the lease contract without prejudice to the right of the lessor to be compensated for the damages the lessor may have suffered thereby,” ang nakasaad sa batas.
Sa kaso naman ng tourism projects, ang pag-upa sa pribadong lupain ay limitado sa mga proyekto na may investment na hindi bababa sa USD5 million, 70% nito ay dapat na naka-infuse sa nasabing proyekto sa loob ng tatlong taon mula sa pagpirma sa lease contract.
Ang kontrata ay maaaring i-terminate o wakasan kung ang investor ay mabibigong simulan ang proyekto sa parehong panahon.
Nilinaw naman ng batas na ang mga dayuhan, asosasyon o partnerships “not investing in the Philippines” ay nananatiling saklaw ng Presidential Decree No. 471 at iba pang umiiral na batas hinggil sa ‘lease of lands’ sa mga dayuhan.
Nangangahulugan lamang na ang mga indibiduwal na ito at entities ay pinpayagan lamang na umupa ng pribadong lupain para sa ‘maximum’ na 25 taon at renewable para sa panibagong 25 taon. (KRIS JOSE)