MANILA, Philippines – Aprubado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsama sa apat na parsela o sukat ng lupain sa umiiral na First Philippine Industrial Park (FPIP) II Special Economic Zone sa Sto. Tomas City, Batangas.
Ito ang nakasaad sa Proclamation 1206 na tinintahan ni Pangulong Marcos noong Marso 30 at inilathala sa Official Gazette website.
Ang apat na parsela ng lupain ay mayroong 71,982 square meters at matatagpuan sa Barangay San Rafael, Sto. Tomas City.
Ang pagkakasama nito sa special economic zone ay inirekumenda ng board of directors ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), alinsunod sa Republic Act 7916 o Special Economic Zone Act.
Itinuturng na isa sa “largest, fastest-growing industrial parks” sa bansa, ang FPIP ay isang joint venture ng First Philippine Holdings (FPH) Sumitomo Corporation ng Japan.
Itinatag ito noong 1996 at isang special ecozone na mayroong mahigit sa 500 ektarya, nakatayo ang mga kompanya ng aerospace, automotive, consumer goods, electronics, medical devices, at tanggapan ng equipment industries. (KRIS JOSE)