MANILA, Philippines – Pormal nang inihain ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan nitong Huwebes, Hulyo 3 ang panukala na naglalayong magbigay sa mga estudyante ng pampublikong paaralan mula Kinder hanggang Grade 12 at daycare centers ng libreng almusal na direktang magmumula sa mga lokal na magsasaka at mangingisda.
Ang Free Breakfast Program and Sustainable Agriculture Act— na campaign promise ni Pangilinan sa 2025 midterm elections—- ay nanguna sa 10 priority legislative measures ng senador para sa 20th Congress.
Sa ilalim ng panukala, ibibigay ang arawang “nutritious and fortified breakfast meals” sa lahat ng mga bata sa pampublikong paaralan, na tumutugon sa national dietary and nutritional guidelines na itinakda ng Department of Health (DOH) at National Nutrition Council (NNC).
Dapat din ay maging culturally appropriate ang mga pagkain at tumutugon sa local food preferences.
Hindi bababa sa 50% ng mga sangkap na kakailanganin sa school feeding program ay dapat na direktang bilhin mula sa accredited local farmers at mga mangingisda, o sa kanilang mga kooperatiba at asosasyon “to ensure fresh, quality products, support local economies, and implement the spirit of the Sagip Saka Act.”
Ang Department of Education (DepEd), sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa daycare centers, ang magsisilbing head agency ng programa. RNT/JGC