MANILA, Philippines – Panibagong simula para sa Senado — at wala nang iba — ang nasa sentro ng pagsisikap ng 11-miyembrong minority bloc para sa pagbabago ng liderato sa Senado, binigyang-diin ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Linggo.
Ibinasura ni Lacson ang mga espekulasyon na ang hakbang ng minority ay may kaugnayan sa mga pagsisikap na amyendahan ang Konstitusyon o maimpluwensyahan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
“Sa amin, ang primary or main concern naming 11, ibangon ang Senado. Wala kaming pinaguusapang kailangan palitan natin ng liderato para maitulak natin ng Con-ass, palitan natin ng liderato para ang impeachment mag-convict, wala kami ganoong usapan,” aniya sa panayam sa DZBB.
“Yan lang ang mismong pinaguusapan namin na sana pagpalit tayo ng liderato, maibangon namin, magkaroon kami ng fresh start. Kaya napili namin si Sen. Sherwin Gatchalian. At least fresh face at wala siyang kaaway sabihin na natin,” dagdag niya.
Sa ngayon, sinabi niya na bawat miyembro ng minority bloc ay may kanya-kanyang tungkulin upang makakuha ng karagdagang suporta mula sa mga senador. Aniya, ang tanging “non-negotiable” ay ang suporta ng bloc sa kandidatura ni Sen. Gatchalian bilang Senate President.
Iginiit din ni Lacson na handa sila ni Sen. Vicente Sotto III na magsilbing gabay sa susunod na henerasyon ng mga senador sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga aral mula sa kanilang mahabang taon ng paglilingkod sa publiko.
“Kaming 11, I refer to the two of us pag caucus, ang tawag ko sa aming dalawa, kami ang Council of Elders. Wala kaming hinahangad na position pa sa Senado kundi i-share na lang namin ang aming professional and personal experiences sa loob ng Senado. Yun na lang naman ang hinahangad namin maging papel na dahil sa lawak na rin ang pinagdaanan namin,” aniya sa DWIZ radio.
“Palagay ko naman may maiko-contribute kami. Dahil ito parang transition na ito. Pagpunta na tayo sa next generation of senators. So dapat kung anumang mai-contribute namin to guide ang new generation, magmamana na ng leadership ng Senado o leadership ng ating bansa at least man lang sa pamamagitan ng aming maicocontribute makatulong kami,” dagdag niya.
Nauna rito, sinabi ni Lacson na ang 11-miyembrong minority bloc ay sumusuporta kay Gatchalian para maging Senate President, sakaling makuha nito ang kinakailangang bilang ng boto.
Pero sinabi rin ni Lacson na kahit makakuha lamang sila ng isang karagdagang miyembro, maaari pa rin nilang maimpluwensyahan ang mga desisyon sa Senado sa pamamagitan ng simpleng mayorya na 12 sa 23, kasunod ng pag-alis ni Sen. Ronald dela Rosa. Ernie Reyes