Home METRO Full police visibility sa Maynila, iniutos ni Yorme Isko

Full police visibility sa Maynila, iniutos ni Yorme Isko

282
0

MANILA, Philippines – “Ngayong papalapit na ang Pasko, siguraduhin nating may presensiya ang pulis sa kalsada.”

Ito ang direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa pamunuan ng Manila Police District (MPD) kasabay ng ginanap na 4th Quarter Meeting ng Manila Peace and Order Council kung saan ipinaalala ng alkalde sa MPD ang pagsunod sa inilabas na kautusan ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.

Ayon kay Domagoso, dapat tiyakin ng MPD ang maximum police visibility sa mga komersyal at pampublikong lugar sa buong lungsod sa panahon ng Kapaskuhan.

“Sundin natin ang utos ni Gen. Nartatez — ang pulis ay dapat nasa kalsada, nakikita, at nararamdaman ng tao,” sabi ng alkalde kasunod ng pahayag na maigting ang kampanya ng lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa tulong ng MPD, barangay, at iba pang ahensiyang nagpapatupad ng batas.

Kabilang sa mga lugar na pinatututukan ng alkalde sa mga tauhan ng MPD ang Binondo, Recto, Quiapo, Ermita, Malate, at ang University Belt.

“Ngayong papalapit na ang Pasko, siguraduhin nating may presensiya ang pulis sa kalsada. Hindi lang sa mga presinto, kundi sa mga lugar kung saan naroon ang mga tao. Visible dapat ang pulis sa mga pangunahing lugar lalo na ngayong holiday season,” giit ni Yorme Isko.

“Ang gusto natin, ligtas, mapayapa, at maayos ang Pasko sa Maynila. Titiyakin natin ‘yan para sa mga Batang Maynila at sa mga bumibisita sa ating lungsod,” dagdag pa ni Yorme. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here