Home OPINION GALIT NI YORME, NGININGISIAN LANG NG MNC DIRECTOR

GALIT NI YORME, NGININGISIAN LANG NG MNC DIRECTOR

200
0

MATINDI ang ginawang panghihiya ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kay Manila North Cemetery director Dandan Tan dahil sa mga nabuking na iligal na gawain, pero hanggang ngayon ay nananatili pa rin ito sa pwesto at tila ngumingisi lang. Walang takot, walang hiya, at walang bakas ng pananagutan.

Malinaw ang mensahe ni Yorme nang sabihin niyang “Hindi ako si Erap,” patama sa diumano’y dating proteksyon at toleransya tinamasa ni Tan. Ngunit kung walang kasunod na aksyon, nauuwi lang ito sa salita. Sa mata ng publiko, nagmumukhang kayang balewalain ang galit ng alkalde—basta may oras para maglinis ng bakas.

Ayon sa mga source, iniimbestigahan umano si Tan sa maanomalyang pagbebenta ng lupa sa loob ng MNC at sa hindi pagpasok sa kaban ng lungsod ng kinikita ng sementeryo. Sa madaling sabi, binubukulan umano ng direktor ang city hall sa usaping pera—habang nagpapakahirap ang alkalde na ibangon ang ekonomiya ng Maynila.

Mas masahol pa, may ulat na pinatatahimik umano ang mga tauhan at maging ilang miyembro ng City Security Force. Bakit kailangang tikuman ang bibig ng mga nagbabantay kung walang tinatago? Dapat ding silipin kung may mga kasabwat na nakinabang sa bentahan ng alak at iba pang ilegal sa loob ng sementeryo.

Samantala, patuloy ang pamamayagpag ni Tan at kanyang pamilya sa mga iligal na gawain sa MNC. Sa usapin ng “pitcha” o pera, hindi talaga mapipigilan si Tan sa paggawa kaya naman nananatiling namimighati ang mga pamilya ng mga nakalibing sa MNC. Hindi sila pinapayagang magpasok ng materyales mula sa labas at pinipilit bumili sa tanggapan ni Tan sa presyong halos tatlong doble. Negosyo sa gitna ng dalamhati? Matindi talaga. Mas matindi kapag nakilala niya si “Carmi Martin”!

Kung ayaw ni Yorme na tuluyang masira ang tiwala ng mga Manileño, malinaw ang dapat gawin: sibakin, kasuhan, at papanagutin si Dandan Tan. Hindi sapat ang galit. Hustisya ang hinihingi ng taumbayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here