Home NATIONWIDE Ganti ng durugista, sinisilip na anggulo sa brodcaster slay sa Cotabato

Ganti ng durugista, sinisilip na anggulo sa brodcaster slay sa Cotabato

32
0

COTABATO CITY — Tatlong persons of interest ang tinututukan ngayon ng pulisya sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kaugnay sa pagpatay sa isang FM radio reporter sa Special Geographic Area noong Mayo 21, ayon sa mga awtoridad.

Kinilala ang biktima na si Nestor Micator, 56 anyos, ng D’Empire Radio Broadcasting Network. Siya ay binaril sa ulo ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo habang naghihintay sa kanyang asawa malapit sa barangay hall ng Barangay Fort Pikit sa Malidegao bandang 6:45 ng gabi, batay sa ulat ng pulisya.

Ayon kay Police Capt. Steffi Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office-BARMM, posibleng may kaugnayan sa ilegal na droga sa lugar ang motibo sa pamamaslang.

Sa ulat ng Malidegao Municipal Police Station, lumilitaw din ang posibleng pagganti mula sa mga naarestong indibidwal sa isang drug buy-bust operation na umano’y isinisi kay Micator ang kanilang pagkakadakip.

Sinabi naman ni Police Capt. Vilma Dimaraw na ibinahagi ng asawa ng biktima na si Ruvy na tatlong naarestong suspek ang nagsabi umanong si Micator ang dahilan ng kanilang pagkakaaresto dahil isa siya sa naging testigo laban sa kanila. Kinumpirma rin ito ng kapatid ng biktima.

Ayon sa mga awtoridad, sinubukan ng mga imbestigador na kumuha ng CCTV footage sa paligid ng pinangyarihan ng krimen, ngunit natuklasang hindi gumagana ang mga kamera sa lugar.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ng asawa ng biktima na regular na nagko-cover si Micator ng mga anti-drug operation sa kanilang bayan at naniniwala siyang posibleng itinuring itong police asset. Inilarawan niya ang asawa bilang “simple, loving, and responsible father.”

Sinabi ng pulisya na may pagkakakilanlan na sila sa mga persons of interest ngunit hindi muna inilalantad habang patuloy ang pagbuo ng kaso.

Kinondena naman ni Police Brig. Gen. Christopher Abecia, regional director ng PRO-BAR, ang insidente, at sinabing ang karahasan laban sa mga mamamahayag ay “have no place in our society and will be dealt with accordingly under the full force of the law.”

Tiniyak din niya ang patuloy na operasyon upang matukoy at madakip ang mga salarin. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here