Home NATIONWIDE Garma, Leonardo pinakakasuhan sa pagpatay sa PCSO official

Garma, Leonardo pinakakasuhan sa pagpatay sa PCSO official

173
0

MANILA, Philippines – Dapat nang kumilos ang Department of Justice (DOJ) laban kina retired police colonels Royina Garma at Edilberto Leonardo dahil sa pagpatay kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga noong 2020.

Hinikayat ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House quad committee ang DOJ na kasuhan na ng murder ang dalawang retiradong pulis at kunin na ang deposition ng mga testigo na sina Police Lt. Col. Santie Mendoza at Nelson Mariano.

Iginiit ni Barbers na matatagalan pa kung hihintayin ng DOJ na matapos ang final report ng joint committee.

Sinabi ni Barbers na may kinatawan ang DOJ na nagmomonitor ng pagdinig ng Quad committee.

Una nang ibinunyag nina Mendoza at Mariano na si Garma, na itinalagang PCSO general manager noong Hulyo 2019 ang mastermind sa pagpatay kay Barayuga para hindi nito mailantad ang nagaganap na katiwalian sa PCSO.

Ipinasa umano ni Garma ang naturang ‘operasyon’ kay Leonardo na dating Davao chief ng Criminal Investigation and Detection Group.

Ayon kay Mendoza, ipinatupad ang ambush sa halagang P300,000.

Sina Garma at Leonardo ay mga upperclassmen ni Mendoza sa Philippine National Police Academy (PNPA).

Iminungkahi na nina Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel at Batangas Rep. Gerville Luistro sa Quad committee na irekomenda ang pagsasampa ng kasong murder o conspiracy to commit murder laban sa dalawang dating police colonels.

Naniniwala naman si Pasig Rep. Roman Romulo na magagamit ng DOJ ang sinumpaang salaysay ng mga testigo sa darating na panahon.

Ayon kay Mendoza, hiningi niya ang tulong ni Mariano para kunin ang hitman na si “Loloy” at nakipag-ugnayan sa kanang kamay ni Garma na si “Toks” kaugnay sa plano.

Ayon kay Barbers, maaaring kunin ng DOJ ang cellphones nina Mendoza at Mariano para makita ang usapan sa pamamagitan ng Viber.

Tiniyak ng quad committee sa biyuda ni Barayuga at sa pamilya nito na mapapanagot ang lahat ng nasa likod ng pagpaslang.

Si Barayuga ay napatay habang sugatan ang drayber nito matapos pagbabarilin ng isang gunman sa Mandaluyong noong Hulyo 30, 2020.

Bago napaslang, makikipagkita dapat si Barayuga, sa National Bureau of Investigation (NBI) upang isiwalat ang katiwalian sa Small Town Lottery (STL) operations. TERESA TAVARES

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here