MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian nitong Martes na nakatutulong sa mga konsyumer ang interbensyon ng gobyerno sa presyo ng langis sa gitna ng patuloy na pagtaas ng pump prices.
Ayon sa kanya, ang Executive Order 110 na nagdedeklara ng National State of Energy Emergency ay isang agarang tugon sa pagtaas ng presyo ng gasolina mula pa noong Marso.
“The government’s intervention in fuel pricing through EO 110… is a timely relief given the rate of increases in fuel prices that we have seen since March,” ani Gatchalian.
Iginiit din niya ang pangangailangan ng transparency sa fuel pricing upang maintindihan ng publiko kung paano kinukuwenta ng mga oil companies ang presyo ng gasolina.
“As the country is fully dependent on imports to meet local requirements for fuel, the public deserves to know the math. The DOE must clearly explain how oil companies compute price increases,” dagdag niya.
Hinimok din niya ang patuloy na paggamit ng emergency powers ng pamahalaan upang maprotektahan ang interes ng mga konsyumer.
“Also, the government should continue to exercise its emergency powers to regulate in the interest of consumers,” sabi niya.
Bilang chair ng Senate PROTECT Committee, sinabi niya na patuloy na babantayan ng Senado ang galaw ng presyo ng langis upang matiyak na makatarungan ang anumang taas-baba nito.
“Patuloy nating tututukan ang presyo ng mga produktong petrolyo bilang bahagi ng oversight function ng Senado para masigurong makatarungan ang anumang pagtaas ng presyo,” ani Gatchalian. RNT/MND