MANILA, Philippines – Ang “ghost hunt” na hirit ni Sen. Alan Peter Cayetano tungkol sa paghanap ng maanomalyang proyekto sa Taguig City ay humantong sa “totoong” ghost slope protection at flood mitigation projects sa kahabaan ng Taguig River na iniimbestigahan na ngayon ng Office of the Ombudsman, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Sabado.
Diin ni Lacson, totoo nga ang ipinahihiwatig sa pinakahuling social media post ni Cayetano na “ghost hunt” ang imbestigasyon sa mga maanomalyang proyekto sa Taguig — pero hindi sa paraang ibig sabihin ni Cayetano.
“True. Ang dami palang ‘multo’ na slope protection and flood mitigation projects along Taguig River. The Ombudsman is now investigating. The illegal reclamation is a separate case that they are also looking into, pero hinarang sila ng taga city hall kaya pinahuli sa SAF kahapon,” aniya sa isang post sa X.
Sa kanyang pinakahuling livestream nitong Biyernes, itinulad ni Cayetano sa “naghahanap ng multo” ang pagsisikap ni Lacson na imbestigahan ang mga maanomalyang imprastraktura sa Taguig.
Nauna rito, ini-turn over nina Lacson at ng kanyang tauhan sa Ombudsman ang ilang ebidensyang nakalap sa ngayon hinggil sa illegal reclamation at mga infrastructure project sa Taguig City.
Saklaw ng mga ebidensya ang “illegal” reclamation sa bahagi ng Laguna Lake na sakop ng Taguig, gayundin ang iba pang maanomalyang slope protection at flood mitigation projects sa kahabaan ng Taguig River na sangkot sa double appropriations at mga “ghost” project.
Sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na sinimulan na ng kanyang tanggapan ang pagtingin sa mga alegasyon ng korapsyon kaugnay ng mga infrastructure project sa Taguig City.
Noong Biyernes, binanggit ni Lacson ang impormasyong nagsasabing inaresto ng mga pulis ang ilang personnel ng Taguig City government matapos umano nilang tangkaing pigilan ang mga imbestigador ng Office of the Ombudsman sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa Taguig City.
Inilarawan niya ang pagkakaaresto sa mga ito bilang “Astang astig, nakakita ng katapat.”
Hindi ito ang unang naiulat na insidente ng pangha-harass. Nauna nang binanggit ni Lacson ang mga ulat na hinarass umano ang mga opisyal ng ilang ahensya ng gobyerno, kabilang ang Philippine Reclamation Authority (PRA), habang kumikilos ang mga ito laban sa mga reclamation activity sa lugar. Ernie Reyes