PINAKAMABISANG depensa sana sa malalakas na ulan, bagyo, at pagbabago ng klima ang flood control projects pero kung puro “ghost” o guni-guni lang ang proyektong ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH), hindi lang pera ng bayan ang nasasayang kundi buhay at kaligtasan ng mga Pilipino ang nakataya.
Ang “ghost project” kasi ay proyektong nakalista at may pondo pero wala sa aktwal na implementasyon o hindi natapos kaya nangangahulugan na may naubos na budget ngunit walang makitang resulta.
Kung totoong naisakatuparan at hindi guni-guni ang mga proyektong pang-flood control, dapat sana’y may mga dike, slope protection, drainage, at iba pang istruktura para maiwasan ang pagbaha pero kung wala ang mga ito, doble ang problema.
Pumutok ang isyu sa flood control projects nang maging pinaka-main topic ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address ang pagbibigay ng babala sa mga kawani ng gobyerno na nagnanakaw ng pondo, kabilang na ang mga nakalaan para sa flood-control projects.
Hindi ba’t masigabong palakpakan pa ang inani ng Pangulo nang tila may diin at inis niyang sinabi ang katagang “Mahiya naman kayo!” na alam na ng taumbayan kung sino ang pinatutungkulan.
Kaya lang nang matapos ang ginanap na unang pagdinig ng Senado hinggil sa iregularidad ng flood control projects sa bansa, nagtaka si Senator Alan Peter Cayetano kung bakit walang opisyal ng DPWH ang naparusahan.
Kung hindi pa siguro napa-entrap ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste si DPWH District Engineer Abelardo Calalo, baka nananatili pa rin siya sa pwesto.
Ganito rin kasi ang tanong ni Senator Panfilo Lacson sa isang panayam at sinabing walang silbi ang mga panuntunan kung hindi naman mapapanagot ang mga dapat managot.
Kaya habang ang mga opisyal at kontraktor ay nagtatago sa likod ng teknikalidad at validation, ang mga ordinaryong Pilipino ang direktang naaapektuhan. Bilyong piso kasi ang nawawala na sana’y panangga sa baha at marami sa mga kababayan natin ang ang lumulubog sa baha dahil sa kulang o walang proteksyon.
Sa dami ng bagyong dumaraan sa Pilipinas, patuloy na mauulit ang mga eksena ng pagiging kawalan ng pag-asa kapag walang napapanagot.
Siguro, kailangan na talaga nating imbitahan ang bantog na “Ghostbusters” kung hindi makakapagpakita ng ebidensiya ang DPWH at mga kontraktor na mayroon silang ginawa dahil baka mas mabilis pa silang makahanap ng mga nawawalang proyekto kaysa sa mismong ahensya.




