MANILA, Philippines – Ibinaba ng pamahalaang Lungsod ng Makati ang mga karatula ng “Gil Tulog Avenue” na pumalit sa mga karatula sa kahabaan ng Gil Puyat Avenue para sa isang advertising campaign.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, humingi ng pumanhin si Mayor Abby Binay sa pamilya ng yumaong Senate president na si Gil Puyat at sinabing sinaway na niya ang mga opisyal ng lungsod na pumayag sa nasabing kampanya.
“Nakakalungkot na hindi nakarating sa aking opisina ang paghingi ng permit para sa tinatawag na advertising campaign para baguhin ang mga street signs ng Gil Puyat Avenue. Kung dumaan sa akin yan, rejected yan agad,” anang alkalde.
Sinabi ni Binay na ang mga opisyal ng lungsod na “nagbigay ng permit ay dapat na gumamit ng prudence” at “dapat ay mas masinsinan”.
“Dapat inisip ang kaguluhan na maaaring idulot sa mga motorista at komyuter. At dapat ay binigyang halaga ang respeto sa pamilya at sa alaala ni dating Senate President Gil Puyat. Pinagsabihan ko na ang mga opisyal na ito para sa nakasisilaw na oversight na ito,” dagdag pa niya.
Kumalat kamakailan sa social media ang mga video ng mga signage sa kahabaan ng Gil Puyat Avenue na pinalitan ng “Gil Tulog”. RNT