Home OPINION GINAGAMIT SI CHIZ PARA IABSUWELTO SI MARTIN

GINAGAMIT SI CHIZ PARA IABSUWELTO SI MARTIN

184
0

LUMILITAW na taktika lamang ni Ombudsman Crispin “Boying” Remulla ang bantang pagsasampa ng plunder case laban kay Senator Chiz Escudero.

Ito ay para magmukhang patas ang proseso at maging katanggap-tanggap sa mga Pilipino ang posibleng pag-abswelto kay dating House Speaker Martin Romualdez.

Si Romualdez naman kasi ang nais matumbok ng taumbayan sa flood control corruption. Siya ang sentro ng kontrobersya at hindi ito maikukubli. Lumagapak ang trust and performance ratings ni Pangulong Bongbong Marcos dahil patuloy na dinedepensahan si Romualdez mula pa sa simula.

At sabi nga, laging “to the rescue” si Boying sa kanyang “brod” na si Martin. Sa halip na direktang nakatuon sa isa lamang, pinalalawak ang kaso sa pamamagitan ng pagsama kay Escudero upang magmukhang balanse ang pananagutan.

Kakasuhan kunwari silang dalawa, ngunit inaasahan naman talaga na mapapawalang-sala si Chiz habang mabubuksan ang posibilidad ng pag-abswelto kay Romualdez. Ibig sabihin, ginagawa lamang instrumento si Chiz upang magkawangis na lehitimo ang proseso. Gets n’yo?

Walang malinaw na basehan ang pagdadawit kay Escudero. Sa naunang findings ng Independent Commission for Infrastructure at Department of Public Works and Highways, hindi siya kabilang sa mga pinangalanan. Si Romualdez lamang ang direktang tinutukoy.

Ang alegasyong sabwatan sa pagitan nina Escudero at Romualdez ay kaduda-duda Magkaiba ang kanilang posisyon at papel sa budget process at hindi tugma ang kanilang political alignment. Hindi ba’t’ si Escudero pa ang isa sa mga unang naglantad at nagtanong tungkol sa mga anomalya sa national budget kabilang ang flood control insertions.

Ayon kina Senator Ping Lacson at DPWH Secretary Vince Dizon, ang ghost flood control projects ay lalong lumala noong 2023 at 2024. Sa panahong iyon, si Senator Migz Zubiri ang Senate President. Hindi rin si Chiz ang may hawak ng budget process sa Senado dahil si Sonny Angara ang chairman ng Senate committee on finance noon.

Kung pagbabasehan naman ang sinasabing nagsimula ang anomalya noong panahon ni dating House Speaker Lord Allan Velasco, si Tito Sotto ang Pangulo ng Senado noon.

Walang lohika ang “conspiracy” sa pagitan nina Escudero at Romualdez. Klaro na hindi sila magkakampi. Si Escudero pa nga ang unang nagbunyag ng mga “kabulastugan” sa national budget na kinasasangkutan ni Romualdez.

Hindi dapat naglalatag ng paratang kung hindi tugma sa aktwal na ebidensya at timeline. Kapag hindi akma sa records, humihina ang kredibilidad ng kaso.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here