Home METRO Ginang arestado sa pagpupuslit ng droga sa City Jail

Ginang arestado sa pagpupuslit ng droga sa City Jail

MANILA, Philippines – Arestado ang isang ginang nang mabisto ang mahigit P.3 milyong halaga ng droga na kanyang tinangkang ipuslit sa loob ng Caloocn City Jail sa Lungsod ng Caloocan, Linggo ng hapon, Hunyo 29.

Kinilala ni Caloocan Police OIC chief P/Col. Joey Goforth ang naarestong suspek na si alyas “Lyn”, 39, fish vendor ng Brgy. 8, ng lungsod.

Sa tinanggap na ulat ni Col. Goforth, dakong alas-5:00 ng hapon nang dumating sa Caloocan City Jail sa kanto ng Talimusak at Tanigue Streets, Kaunlaran Village, Dagat-Dagatan ang suspek para bisitahin ang kanyang asawang nakakulong.

Gayunman, sa isinagawang strip search sa kanya ng duty Officer ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), nadiskubre sa kanang singit ng suspek ang nakatagong mga illegal na droga na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.

Nakumpiska suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng nasa 46 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P306,000 at dalawang plastic sachets na naglalaman nasa 35 grams ng umano’y pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P4,200.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor’s Office. Rene Manahan