MANILA, Philippines – Kabataan nga naman. Makaraang “ginawin” dahil sa patuloy na pag-ulan, imbes sa bahay mula sa eskuwelahan ay sa bahay ng kanyang nobyo dumiretso ang isang 17-anyos na dalagita para doon makisiping at “makipag-bembangan”.
Ang masaklap, pinalabas ng dalagita, sa pamamagitan ng “voice message” na siya ay kinidnap at nanghihingi ng saklolo.
Dahil dito, nag-alala ang kanyang mga kaklase, mga kaibigan, kaanak, magulang at ang mga awtoridad. Nag-trending tuloy siya nang kumalat ang kanyang “kawirdohan” sa social media.
Sinabi ng Davao City Police na dahil sa pagsisinungaling ay pinag-aaralan nilang kasuhan ang dalagita.
Sa ulat, nakita sa CCTV footage ang menor de edad na nakasuot ng school uniform at may dalang backpack bago iniulat ng kanyang pamilya na nawawala siya matapos hindi umuwi noong nakaraang Lunes, July 14, 2025.
Nabatid na nagpadala kasi ng voice message ang dalagita sa isang kaibigan na nagsasabing kinidnap siya at kailangan niya ng tulong. Dito na umano nataranta ang lahat sa paghahanap sa kanya.
“In the succeeding days, she randomly sent messages to her family and school’s group chat for her rescue. In the evening of Wednesday, July 16, 2025, she was found along the road in Banas, in Brgy. Bato, Toril, Davao City,” ayon kay Toril Police Station Chief, Major Sheryl Bautista.
Sa presinto nang siyasatin ukol sa naganap na kidnapping, nahalata ng mga imbestigador na hindi magkakatugma ang mga kuwento ng dalagita.
Hanggang sa natuklasan na “nakisiping” lang sa nobyo sa bahay nito sa Barangay Maa ang dalagita kung saan natagpuan ang kanyang school uniform at backpack.
“The story was fabricated. It was also found out that she was with her boyfriend in Maa when she was believed to be missing,” ayon kay Bautista.
Kinumpirma rin ng ina ng lalaki ang nangyari at siya umano ang nag-udyok sa dalagita na umuwi na nang malaman na niya ang sitwasyon.
Pero imbes na dumiretso sa pag-uwi, nagtungo ang dalagita sa Barangay Bato at doon nagpasundo sa kanyang magulang.
Makikipag-ugnayan ang pulisya sa City Social Welfare and Development Office (CSWD) para makausap ang dalagita at ang mga magulang niya.
“We are contemplating on filing alarms and scandal in relation to RA 10175 or the Anti-cybercrime Act,” sabi ni Bautista, kasabay ng paalala sa publiko na huwag magpapakalat sa social media ng mga imbentong impormasyon. Nats Taboy