MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na hindi ito nagpasindak at napresyur sa protesta ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa gitna ng paghahain ng plunder charges laban kay Senator Rodante Marcoleta.
“Tama po, hindi naman po kailangan magpa-pressure ang gobyerno at ang mga nag-iimbestiga, pati na po ang mga korte natin sa mga pressure ng ibang mga grupo,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Nauna rito, pormal nang nagsampa ng kasong plunder ang Office of the Ombudsman laban kay Sen. Rodante Marcoleta sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y hindi idineklarang P75 milyong campaign donations, araw ng Biyernes, July 3.
Kasama ring kinasuhan sina dating kongresista Mike Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Varias Espiritu at Aristotle Baluyut Viray, na sinasabing nagbigay ng naturang donasyon.
Ayon sa Ombudsman, hindi umano isinama ang P75 milyon sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) at Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Marcoleta.
Lumalagpas din umano ang halaga sa P50 milyong threshold para sa kasong plunder sa ilalim ng Republic Act 7080.
Sa kabilang dako, tinawag ni Batangas First District Representative Leandro Leviste na “selective justice” ang nalalapit na pagsasampa ng kasong plunder laban kay Senador Rodante Marcoleta.
Sa pagsama ng kongresista sa rally sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, sinabi ni Leviste na hindi lamang si Marcoleta ang dapat tutukan at dapat ding papanagutin ang mga sangkot sa umano’y katiwalian sa mga flood control project.
Dumalo si Leviste sa rally ng Iglesia ni Cristo kasama ang humigit-kumulang 200 residente mula sa unang distrito ng Batangas bilang suporta kay Marcoleta.
Samantala, nakiisa naman ang Malakanyang sa panawagan ng INC na ‘transparency at accountability’ subalit nanawagan si Castro sa grupo na payagan ang ‘rule of law at legal process’ na tumakbo.
“Kapag ka po kasi ganun ang nangyari, ay parang dinidiktahan na po nila ang mga investigating bodies, dinitikahan na rin po nila ang ehekutibo para kumilos na naaayon sa gusto nila,” ayon kay Castro.
“So, hindi po natin sa ngayon nakikita na mangyayari ito dahil ang mga grupo ngayon, alam natin na dapat tayong sumunod sa batas. Kung ano po ang sinasabi ng batas, kung ano ang sinasabi ng proseso, ay dapat lamang po natin itong hayaan na tumakbo at umandar,” aniya pa rin.
Samantala, pinalagan naman ng Malakanyang ang tila pagkukumpara ni Mike Defensor kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Marcoleta na parehong tumanggap ng milyong piso na campaign donations.
Ang katuwiran ni Castro, nang tumanggap si Pangulong Marcos ng campaign donations ay isa lamang siyang private citizen noong panahon na iyon habang si Marcoleta ay hindi. Bukod dito, idineklara ni Marcos ang nasabing donasyon habang si Marcoleta ay hindi. KRIS JOSE