Home NATIONWIDE Gobyerno, kinalampag ni Bam para sa suporta sa vendors, maliliit na negosyo

Gobyerno, kinalampag ni Bam para sa suporta sa vendors, maliliit na negosyo

2
0

MANILA, Philippines – Sa gitna ng nakababahalang economic indicators, nanawagan si Senador Bam Aquino sa gobyerno na palawakin at palakasin ang mga programang pantulong para sa vendors at small business owners na nahihirapang suportahan ang kanilang pamilya sa kabila ng pagsisikap na kumita.

Sinabi ni Aquino, chairperson ng Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship, na dapat tutukang mabuti ng pamahalaan ang hirap na nararanasan ng mga ordinaryong Pilipino, na pinapasan ang 7.8 porsiyentong inflation rate, 5.4 porsiyentong unemployment rate, at mabagal na ekonomiya na lumago lang ng 2.1 porsiyento sa ikatlong bahagi ng 2026.

“Higit sa mga numero, tignan po natin kung ano ang ibig sabihin nito sa araw-araw na buhay ng ating mga kababayan. Kaya pa ba ang presyo ng pagkain, pamasahe, at kuryente? May trabaho ba? Sapat pa ba ang kita?” aniya.

Nanawagan ang Senador sa mga kaukulang ahensiya ng gobyerno na tukuyin ang mga kongkretong paraan para masuportahan ang mga mahihinang sector na nasa itaas ng poverty threshold ngunit nahihirapan pa ring kumita, lalo na ang vendors at maliliit na negosyo.

Aniya, nahaharap ang mga nasabing entrepreneur sa mga hamon gaya ng tumataas na presyo ng produkto, kakulangan sa capital, at operating expenses, habang ang kanilang kabuhayan ay nahaharap sa pagbagal ng negosyo at kawalan ng customer.

“Kapag humihina ang negosyo at kumokonti ang bumibili, nanganganib ang kita at trabaho. Kapag tumataas naman ang puhunan at gastos, lalong nahihirapan ang mga negosyo na panatilihing abot-kaya ang kanilang presyo,” paliwanag ni Aquino.

“Dahil ang mga nanay at tatay na vendor at maliliit na negosyante ay nag-aalala kung may maihahain ba bukas, may baon ba ang mga anak at kung paano kung may magkasakit,” dagdag pa niya.

“Dapat kayang buhayin ng bawat Pilipinong lumalaban ng patas ang kanyang pamilya,” dugtong pa niya.

Maliban sa paghingi ng tulong para sa mahihinang sector, isinusulong din ni Aquino ang ilang tax reforms na nakatuon para mapalaki ang inuuwing kita ng mga manggagawa at mapagaan ang pasanin ng mga pamilyang Pilipino.

Kabilang dito ang Senate Bill No. 267, na layong itaas ang annual personal income tax exemption cap sa P480,000 upang madagdagan ang inuuwing suweldo ng mga manggagawa na magagamit para sa iba pangangailangan ng pamilya sa harap ng mataas na presyo ng pagkain, produktong petrolyo, at iba pang bilihin.

Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2047, nais ni Aquino na ibaba ang value-added tax (VAT) rate mula 12 porsiyento patungong 10 porsiyento sa mga produkto at serbisyo, kabilang ang produktong petrolyo, para mapababa ang presyo.

Isinumite rin niya ang Senate Bill No. 266, na layon namang alisin ang VAT sa kuryente para mapababa ang singil. Ernie Reyes 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here