MANILA, Philippines – “I could have handled it better.”
Ito ang pahayag ni Leyte Rep. Richard Gomez kasabay ng paghingi niya ng sorry sa mga miyembro ng media dahil sa kanyang kontrobersyal na Facebook post.
Sa kanyang privilege speech sa Kamara, sinabi ni Gomez na maling ibunton niya ang galit sa media kaugnay ng pagbibintang sa kanya na may kinalaman sa ilang maanomalyang flood control projects sa kanyang probinsya.
“Thank you for this opportunity to defend myself and clarify some facts. To the members of the press who took offense in my social media posts, I sincerely apologize. Sensitive information has been removed,” pahayag ni Gomez.
“I understand that the media endeavored to get my side of the story. I acknowledge your efforts. I’m sorry and I could have handled it better,” dagdag pa niya.
Matatandaan na noong Agosto 28 ay naglabas si Gomez ng Facebook post na nagpapakita ng ilang text messages mula sa mga miyembro ng media na humihingi ng kanyang panig hinggil sa isyu ng flood control projects, partikular sa alegasyon ni Matag-ob town Mayor Bernardino Tacoy na may mga substandard flood project sa Leyte.
Kasama sa post ni Gomez ang pangalan at phone numbers ng ilang media personalities.
Sa halip na ibigay ang kanyang panig, inilabas ni Gomez ang mga interview request mula sa media at inakusahan ang mga ito na mayroong “media spin” sa paraan ng pagtatanong sa kanya. Gail Mendoza