MANILA, Philippines – NAKUHA ng mga awtoridad ang isang .38 caliber revolver na may anim na bala sa loob ng bag ng isang Grade 10 student sa isang paaralan sa Barotac Nuevo, Iloilo nitong Martes.
Ayon sa Barotac Nuevo Police, agad na iniulat ng mga opisyal ng paaralan ang insidente matapos matagpuan ang baril. Agad namang rumesponde ang mga pulis at isinailalim sa kustodiya ang baril at mga bala.
Kinumpirma ng mga awtoridad na naipasa na sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor de edad, na itinuturing na child in conflict with the law (CICL), at sasailalim sa child-sensitive intervention.
Sinabi ni Western Visayas acting police chief PBGen. Randulf Tuaño na nagpapatuloy ang koordinasyon ng pulisya at Department of Education (DepEd) upang higit pang paigtingin ang seguridad sa mga paaralan kasunod ng insidente.
Nangyari ito isang linggo matapos ang pamamaril ng dalawang menor de edad sa isang paaralan sa Tacloban, Leyte, na ikinasawi ng tatlong estudyante. Mary Anne Sapico