MANILA, Philippines — Brutal na pinatay ang isang walong taong gulang na Grade 3 pupil na si Gianni Rick Nordero matapos matagpuan ang kaniyang duguang bangkay sa isang masukal na lugar malapit sa kuweba sa Barangay Santiago 2, San Pablo City, Laguna nitong Biyernes.
Ayon sa pulisya, nawawala ang bata dakong 6:00 ng umaga habang nakasuot na ng uniporme at naghihintay sa kaniyang ama upang ihatid sa paaralan.
Inakala ng pamilya na nauna na ito sa eskuwela matapos maiwan ang kaniyang bag sa bahay.
Bandang 11:00 ng umaga, natagpuan ang bangkay ng bata na may malalalim na sugat sa leeg, tiyan at mga daliri, may putol na bahagi ng tainga at nabaling mga tadyang na palatandaang paulit-ulit itong pinagtataga.
Umapela ang pamilya sa mga awtoridad na makamit ang hustisya para sa biktima.
Nag-alok ang lokal na pamahalaan ng P150,000 pabuya para sa impormasyong magtuturo sa salarin.
Kinondena ni Mayor Arcadio “Najie” Gapangada Jr. ang krimen at sinabing tinutugis na ng pulisya ang suspek.
Ayon kay PLTCOL Redentor Tiraña, may hawak na person of interest ang pulisya na kasalukuyang iniimbestigahan kaugnay ng krimen.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa insidente. RNT/JGC