INIHAYAG ng mga kaanak ng mga biktima ng gumuhong Binaliw dumpsite sa Cebu na literal umanong dumpsite at hindi landfill ito.
Kaya naman, hanggang sa kasalukuyan, hindi pa narerekober ang bangkay ng kanilang kaanak.
Habang tinitipa ito, anim pa lamang ang natatagpuang bangkay mula sa 30 katao na hinahanap na natabunan ng basura, bukod pa ang mga mangangalakal na natabunan din.
Nabatid na sa 30 hinahanap, 23 ang tauhan ng Prime Waste Solution na nagsisilbing operator at may-ari ng Binaliw samantalang 7 pa ang nawawala sa mga tauhan ng subcontractor nito.
May 12 namang sugatan na dinala sa ospital.
Sa kasalukuyan nagtataka ang mga kaanak ng mga nawawala pang biktima kung bakit hindi umano nababanggit ang pangalan ng kompanyang Prime Waste Solution na pinamumunuan ni Kara Peralta bilang Presidente.
Nananawagan din ang mga kaanak na agapan ng pamahalaan ang Indian foreigner na nagsisilbing technical head ng Prime Waste Solution na si Paul Puthenpurekal dahil malaki umano ang kinalaman nito sa lahat ng operasyon ng Prime Waste Solution.
Pinangangambahang maaari ring mangyari sa Prime Waste Solution Porac, Pampanga ang dinanas ng Binaliw dahil wala umanong ipinagkaiba ang operasyon nito.
Sa nakalap na balita ng Remate, nabatid na natakdang inspeksiyunin ng Department of Environment and Natural Resources ang naturang tapunan ng basura sa Pampanga.
Samantala napag-alamang isa pa umanong sanitary landfill ang itinatayo ng Prime Waste Solution sa probinsiya ng Cavite.
Hanggang kasalukuyan ay hinihintay pa ng pahayagang ito ang report ng DENR sa naganap na trahedya sa Binaliw. Remate Reportorial Team